Monday, September 28, 2015



Ang Luzon ang pinakamalaking isla sa Pilipinas. Maraming mga magagandang lugar sa Luzon na maaaring magpukaw sa inyong damdamin at isip.  Ang mga sumusunod na destinasyon ay ilan lamang sa maaaring puntahan at tuklasin.

 Sa Maynila, matatagpuan ang Luneta Park o kilala din sa pangalan na Rizal Park.  Dito binaril at napatay ng mga Kastila ang ating pambansang bayani na si Jose Rizal. Isang rebulto ni Rizal ang itinayo sa parke upang magbibigay pugay sa kanyang katapangan at pagmamahal sa ating bansa.




Kalapit ng Rizal Park ang Intramuros, ang pinakamatanda at pinakamakasaysayang distrito sa Manynila. Sa iyong paglalakad sa Intramuros, maaaring marating ang Fort Santiago, kung saan naroroon ang Rizal Shrine Museum na nagsisilbing tahanan ng mga memorabilia ni Rizal.


Paborito ng mga mahilig kumuha ng litrato ang Manila Bay dahil sa mapang-akit na takipsilim dito.



Hindi nahuhuli ang Pilipinas pagdating sa magaganda at mga modernong gusali. Ang Makati City at Quezon City ay napapalibutan ng mga naglalakihang mga gusali, mall at iba pang mga pasyalan.


Ang probinsya ng Batangas ay mga dalawang oras na pagmamaneho mula sa Maynila. Matatagpuan dito ang mga bay-bayin ng MatabungkayNasugbu at Anilao.




Ang Taal Volcano ay nasa pagitan ng Talisay at San Nicolas. Ang Batangas ay kilala sa kanilang kapeng Barako, balisong at hand-embroidered na barong, punda at mga panyo.



Hindi kalayuan sa Batangas ay ang Tagaytay, isang paboritong pasyalan dahil sa malamig nitong klima. Ilan sa mga sikat na destinasyon sa Tagaytay ay ang People’s Park at Picnic Grove. Iba’t ibang prutas ang maaaring mabibili sa gilid ng daan, kabilang na dito ang pinya at saging na senyorita.


Makikita sa Laguna ang Pagsanjan Falls na tanyag dahil sa tinatawag na “shooting the rapids” kung saan makikita ang kagandahan ng canyon walls habang sakay ng bangka. Kilala din sa Laguna ang mga bayan ng Los Banos, Calamba at Liliw.

Ang Villa Escudero sa San Pablo, Laguna ay malimit pasyalan ng mga turista. Ang mga bisita ay masayang kinakantahan ng mga mang-aawit habang kumakain sa baba ng hydroelectric dam o tinatawag na “Labasin waterfalls.” Katangi-tangi ang karanasan dito dahil maaaring ibabad ang mga binti sa tubig habang pinagsasaluhan ang pagkain.

Tara ng Mamasyal at Mamangha sa mga lugar na sariling atin.


Artikulo ni: Farida V. Mangahas